Benteng Bigas, Umarangkada Na sa Davao del Norte!

Sa pakikipagtulungan ng Department of Labor and Employment (DOLE) XI at ng DA-Food Terminal Inc., opisyal na inilunsad noong Hulyo 21, 2025, sa mga lalawigan ng Davao del Norte at Davao de Oro ang programang Benteng Bigas, Meron Na.

Ang inisyatibong ito ay bahagi ng ugnayan ng Department of Agriculture at DOLE na naglalayong magbigay ng agarang tulong sa mga minimum wage earners (MWE) na naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin, lalo na ang mga kabilang sa impormal at mababang-kita na sektor.

Ang mga unang benepisyaryo ng programa ay mga miyembro ng Unified Employees Multipurpose Cooperative mula sa Davao del Norte at Bagongon Packing Plant Workers Multipurpose Cooperative mula sa Davao de Oro. Ang mga natukoy na benepisyaryo na ito ay maaring bumili ng de-kalidad na NFA rice sa presyong P20.00 kada kilo.

Sabay-sabay na ginanap ang ceremonial distribution event sa New City Hall Atrium at sa NFA-Davao del Norte Branch Office sa Tagum City. Para sa paglulunsad ng Davao del Norte, dumalo sa aktibidad sina NFA Regional XI Manager Allan Joseph P. Abapo at NFA-Davao del Norte Acting Branch Manager Andre Bonn M. Sumalpong. Samantala, pinangunahan nina Acting Assistant Branch Manager Irene P. Ordista at Acting Supervising Grains Officer Susana M. Asejo ang pamamahagi para sa mga benepisyaryo mula Davao de Oro sa Branch Office.

Ang matagumpay na pagpapatupad ng programang ito ay naging posible sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mga katuwang na ahensya, local government units, at iba't ibang kooperatiba. Ang kaganapang ito ay isang mahalagang hakbang sa patuloy na pagtupad ng pamahalaan sa layuning matiyak ang access sa abot-kayang bigas at mapalakas ang seguridad sa pagkain para sa mga Pilipinong MWE.

Eden Charity M. Policios, Davao del Norte Branch Correspondent

Related Links

Back to Top