NFA, NAGLUNSAD NG MODERNONG RICE PROCESSING CENTER SA RIZAL OCCIDENTAL MINDORO

Hulyo 23, 2025 – Pormal nang sinimulan ang pagtatayo ng isang modernong Rice Processing Center ng National Food Authority (NFA) Region IV sa Sto. Niño, Rizal, Occidental Mindoro, sa pamamagitan ng isang groundbreaking ceremony ngayong araw. Itinuturing itong malaking hakbang sa modernisasyon ng impraistraktura ng NFA sa rehiyon, bilang bahagi ng programang Masagana Agri-Food Infrastructure Modernization (MAFIM) ng pamahalaan.


Pinangunahan ni Regional Manager Beverly M. Navarro ng NFA Region IV ang seremonya, kasama ang mga Branch Managers mula sa anim (6) na sangay ng rehiyon. Dumalo rin ang mahahalagang opisyal mula sa Lokal na Pamahalaan ng Rizal, Occidental Mindoro, na nagkaloob ng lupa para sa proyekto, sa pangunguna ni Municipal Mayor Ernesto P. Pablo, Jr., na sa simula pa ay buong-pusong sumuporta sa proyektong ito. Ang mga kinatawan nina Congressman Leody F. Tarriela at Gobernador Eduardo B. Gadiano ay nandoon din upang saksihan at ipabatid ang kanilang suporta sa programa ng ahensya. Nagpaabot rin ng kanilang suporta ang pangulo ng Provincial Farmers Action Council (PFAC) na si Josephine M. Maramot at mga kinatawan ng iba't ibang samahan ng mga magsasaka sa lalawigan.

Ang pasilidad na ito, na may kapasidad na 100,000 sako, ay tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang produksyon ng mga magsasaka at tiyakin ang seguridad sa pagkain ng bansa. Malaki ang magiging ambag nito sa NFA, lalo na sa pagpapabuti at pagpapalakas ng kapasidad ng mga bodega na nangangahulugan na mas maraming palay ang mabibili ng ahensya mula sa mga magsasaka, lalo na sa panahon ng anihan.
Layunin din nitong mas mapabuti ang proseso ng pag-iimbak ng palay at bigas, at makapag-imbak ng mas maraming ani ng palay.
Higit pa rito, malaking tulong ang Rice Processing Center na ito sa mga lokal na magsasaka. Maglalaman ito ng mga modernong post-harvest facilities tulad ng:

*Mechanical dryer na magagamit
sa pagpapatuyo ng palay sa
anumang panahon, lalo na sa
tag-ulan.

*Multi-pass rice mill upang
mapabilis ang pagpoproseso o
paggiling ng palay.

*Mga silos upang magkaroon ng
karagdagang imbakan at upang
higit na mapangalagaan ang
kalidad ng bigas at palay.

Higit sa lahat, ang proyektong ito ay isang malaking hakbang ng Ahensya upang suportahan ang sektor ng agrikultura sa rehiyon, makapag ambag sa pagpapabuti ng kita ng mga magsasaka, at matiyak ang seguridad sa pagkain para sa lahat.

Related Links

Back to Top