TINUTUTUKAN NG NFA BASILAN ANG PATULOY NA PAGBILI NG PALAY KASABAY NG PAGSUSURI SA ANIHAN
Nagsagawa ng pagbisita sa Barangay Colonia, Lamitan City, Basilan ang NFA Basilan Branch Office noong Hulyo 30, 2025 upang masuri ang iskedyul ng pag-aani ng palay at ipaalam sa mga magsasaka ang patuloy na programa ng ahensiya sa pagbili ng palay.
Layunin nito ang maayos at mabilis na pagbili ng palay at ang pagtiyak ng sapat na suplay ng bigas sa rehiyon. Nakapagpulong ang mga kinatawan ng NFA sa mga magsasaka upang talakayin ang mga iskedyul ng pagtatanim at pag-aani, at makuha ang mahahalagang impormasyon para sa maayos na pagpaplano sa pagbili ng palay.
Ipinaliwanag din nila ang presyo at mga proseso sa pagbili, at binigyang-diin ang suporta sa mga magsasaka at patas na bayad sa kanilang ani.
Ipinapakita ng pagbisita ang aktibong pagkilos ng NFA para sa seguridad sa pagkain sa Basilan, sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga magsasaka upang mapabilis ang pagbili ng palay.