PAGPAPATAYO NG MGA MODERNONG BODEGA SA NFA BUKIDNON, SISIMULAN NA
Maramag, Bukidnon – Opisyal ng sisimulan ang pagpapatayo ng dalawang modernong warehouse facilities sa National Food Authority - Bukidnon. Inilahad ito sa pamamagitan ng isang Ground Breaking Ceremony, noong nakaraang Hulyo 31. Ang nasabing proyekto, ay sa ilalim ng Masagana Agri-Food Industry Modernization (MAFIM) Project ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pangunguna nila Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr. at NFA Administrator Larry R. Lacson na naglalayong palakasin ang kapasidad ng NFA sa pag-iimbak at pagproseso ng palay, na siguradong makatulong rin sa mga lokal na magsasaka.
Isang 2,100 metro quadrado na bodega ang itatayo sa NFA Musuan, Maramag at isang 1,800 metro quadrado naman sa NFA North Poblacion, Maramag ang itatayo, na parehong paglalagyan ng mga makabagong rice mill at mechanical dryers. "Kapag naipatayo na po ang mga dryers ay magkakaroon tayo ng mas malaking volume ng palay na mabibili mula sa mahal nating mga magsasaka," banggit ni NFA 10 Regional Manager, Miguel S. Tecson. "Magkakaroon tayo ng mga dryers sa Kalilangan at Aglayan habang dito sa Maramag ang konsentrasyon ng milling activites," sabi ng overall MAFIM projects coordinator at NFA Deputy Administrator, Engr. John Robert R. Hermano. Ayon sa plano ay maglalaman ang Musuan site ng apat (4) na units mechanical dryers na may 30 metric tons per hour na input capacity at ng rice mill na may 8-10 metric tons per hour na input capacity. Ganoon din sa NFA North Poblacion, Maramag. Sa Rehiyon X, bukod sa Bukidnon ay magpapatayo rin ng modernong Post Harvest Facilities sa Lala, Lanao del Norte. May kabuuang 36 new construction at 128 na repairs ang MAFIM Projects sa bansa na may 5B na nakalaan noong 2024 at 5.363B ngayong taon. "Pangunahing proyekto po ito ng ating Pangulo kaya't napakalaki ng pondong inilaan ng pamahalaan upang makapagpatayo ng makabagong pasilidad - bilang tugon sa mga pangangailangan ng ating mga magsasaka," dagdag ni RM Tecson. Makikinabang nang malaki ang mga magsasaka dahil mapapadali ang pagbili ng kanilang palay sa patas na presyo, at mapapabuti ang kalidad ng kanilang ani habang magiging mas episyente rin ang NFA sa pagpapatupad ng apat (4) na misyon nito. Bukod sa mga opisyal ng NFA ay dumalo rin sa ground breaking ceremony ang Vice-Mayor ng Maramag Bukidnon, ang Provincial Agriculturist na kinatawan ang Governador ng probinsya, ang Chairman ng Provincial Farmers Action Council, ang Regional Executive Director ng Department of Agriculture 10, ang Presidente ng Central Mindanao University at iba pang mga lokal na opisyales at mga magsasaka sa nasabing bayan.